Ito’y para sa naglalakbay
Ito’y para sa naghihintay
Ito’y para sa naghihikahos
Ito’y para sa nauubos
O kay lawak ng laot
Lulan ka ng isang balsa
Hawak mo ang sagwan
Saan ka ba pupunta?
Pumapagaspas ang mga alon
Tumataas at tumatalon
Ilang beses man mapigta’t malublob
Gawing matatag ang iyong loob
Kung sa gabi’y kalaban ay ginaw
Sindihan ang gasera, damhin ang siklab
Malagkit na hanging dumadapyo sa balat
Yakapin ito, sanayin ang sarili sa alat
Lakbayin mo ang liwanag at dilim
Huwag matakot, kasama mo’y mga bituin
At kung sa saklaw ay maligaw
Sa pangarap ay magbalik-tanaw
Kung sa kanila’y hinahangad ‘di matutupad
Lunurin ang mga batikos sa kalaliman
Tumingala sa itaas at huwag makalimot
‘Di ka nag-iisa ‘pagkat kasama mo ang Maylikha
Pagsuko’y huwag pahintulutan
Mahahanap mo ang hantungan
Mapupuspos ka sa kaligayahan
Mararating mo ang dalampasigan
Comments