top of page
Writer's pictureJasmine Bartolome

Ang Pagsusugal

Bago pa man dumating ang mga Kastila, pagsusugal na ang naging isa sa mga libangan ng mga Pilipino. Ito’y paraan upang maka-iwas sa kalungkutan na dulot ng mga problema o pampalipas pagod bunga ng pagtatrabaho. May mga taong ginagawa ito para makaranas ng kasiyahang inaasam sa paglalaro at ang iba naman ay ginagamit itong paraan upang makalikom ng karagdagang kita at makatanggap ng malaking halaga sa pinakamadali at mabilis na paraan. Ang pagkasilaw nila sa mga naglalakihang premyo ang bumubulag sa kanila upang hindi na makita ang napakaraming negatibong epekto nito lalo na kung sila’y sumobra na sa limitasyon at humantong na sa adiksiyon.


Ang una sa listahan ay sa larangan ng pinansiyal. Ito ang pinakakilala sa lahat sapagkat ito ang nasusukat sa pagbilang ng perang naipatalo. Bawat taya ay may katumbas na halaga. Ang isang pustahan ay maaaring makapagbigay ng limpak-limpak na premyo ngunit sa isang iglap, maaari ring mawala ang lahat ng naipundar. Ang pag-utang ang siyang takbuhan ng iba upang mabawi ang naipatalo ngunit dahil ito’y isang laro ng pagkakataon, hindi lahat ay siniswerte. Mayroong nakakaahon at mayroon ding nababaon.



Pangalawa naman ay ang larangan ng trabaho. Ang pagsusugal ay nilalaanan ng pera, pagpupunyagi at oras. Dahil dito, maaari itong makaapekto sa pagiging produktibo ng isang manggagawa at magresulta sa kaniyang hindi pagpasok na sa kalaunan ay magbibigay ng dahilan sa kaniyang employer na tanggalin siya sa trabaho.



Pangatlo ay ang kalusugan. Ang malaking pagkatalo sa sugal ay maaaring magdulot ng mga panic attacks o takot na hindi maipaliwanag. Hindi maiiwasan ng sugarol ang pag-iisip sa naipatalong pera kaya’t ang insomnia o di-pagkatulog ay isa ring epekto nito. Ang mga naidudulot nito sa kalusugan ng isang tao ay pwede ring mag-udyok sa kaniya na gumamit ng droga at alcohol bilang paraan ng paglingap sa sarili. Sa pagkakataong ito, nag-iiba na ang personalidad ng tao at ang takbo ng kaniyang isip.



At ang pang-apat, relasyon sa pagitan ng sugarol at mga taong nakapalibot sa kaniya gaya ng kaniyang pamilya at mga kaibigan. Karaniwang naiaangkop ito sa problemang pampinansiyal na nagreresulta sa hindi pagkakasundo at awayan. Maraming mag-asawa ang nahahantong sa hiwalayan dahil dito. Ang pagsusuggal ay nakapokus sa pangarap na biglang-yaman, pinasisidhi nito ang pag-ibig sa salapi. Sinabi sa Bibliya na “Walang sinuman ang maaaring magpaalipin sa dalawang panginoon…Hindi kayo maaaring magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan” (Matthew 6:24) At kapag ang salapi na ang ginawang sentro ng buhay ng isang tao, unti-unti nang mawawala ang pinakaimportanteng relasyong ito sa lahat.



Para sa akin, ang pagsusugal ay hindi lamang isang simpleng libangan. Ito’y isang bagay na maaaaring makapagpabago ng buhay ng isang tao at makasira sa mga napakaimportanteng bagay tulad ng relasyon sa pagitan ng pamilya at lalong-lalo na sa Diyos. Ang tunay na tunguhin ng pagsusugal ay ang pananalo sa pagkatalo ng iba na salungat sa turo ng Diyos na “iwasan ang bawat uri ng kasakiman” (Lucas 12:15). Ang pagsusugal ay isa sa mga instrumento ng demonyo upang pahinain at tuluyang putulin ang relasyon sa pagitan ng panginoon at ng tao dahil nag-uugat ito sa kasakiman. Naniniwala rin ako na ang lahat ng bagay ay dapat na pinaghihirapan at pinagsisikipan upang makamit. Hindi ito dinadaan sa simpleng pustahan bagkus ay sa masusing paggawa at pag-iibayo. Sa paraang ito, makakamit ng tunay na kaligayahan at pagkakontento.


247 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page