Minsang narinig kong bigkasin ng aking pinsan ang linyang ito: “Tinatawag na ako ng Inang Kalikasan.” Dali-dali siyang pumunta sa aming kubeta. Sumakit pala ang kaniyang tiyan. Pawang mga bata pa lang kasi kami noon kaya di pa nahihiyang banggitin ang mga bagay na ito sa isa’t isa.
Sa aming pagtalakay sa Modyul 9 na pinamagatang “Pangangalaga sa Kalikasan,” biglang bumalik ang linyang ito sa aking isipan. Nagpag-isip-isip ko na ang kahulugan ng linyang ito ay hindi lang ang simpleng pagsakit ng tiyan at pagpunta sa palikuran. Ito’y isang mensahe na kailangan nang maipaabot sa lahat. Tayo’y tinatawag na ng Inang Kalikasan dahil siya’y patuloy nang nasisira sa ating mga kagagawan. Totoong nakaaalarma na ang kasalukuyang mga nangyayari dahil sa kapabayaan nating mga tao. Kung ano anong ikinaganda noon ay iyon naman ang kinabaliktaran sa panahon ngayon. Wala ng preskong hangin dahil sa usok ng mga sasakyang humaharurot sa mga kalsada. Ang mga bulaklak at halamang nagbiibigay-kulay sa paligid ay unti-unti na ring nawawaglit sa ating paningin. Ang pagdami ng mga bagong establisyimento ay pagbagsak naman ng bilang ng mga punong nagsisilbing baga ng ating mundo. Ang mga tao ay nasasanay na sa buhay makina — mabilis at paspasan.
May mga bagay na hindi naman kailangan pero ginagawa pa rin dahil sa katamaran at marahil ay dahil nakasanayan nang ginagawa. Isang halimbawa nito ay ang paggamit ng disposable straws. Hindi naman ikapapangit ng lasa ng inumin kung walang straw, hindi ba? Talagang hindi naman kailangan na gumamit pa nito. Dagdag lang ito sa tone-toneladang basurang itinatapon araw-araw. Ang problema sa basura ang ugat ng napakaraming isyung pangkalikasan. At sa aking pananaw, upang masolusyunan ang mga isyung ito, dapat na ituon ang ating pansin sa ugat at hindi lamang sa mga sanga ng problema. We don't just look on the surface, we dig up and find the source. Sa paraang iyon, tuluyan nating maisasalba ang kalikasan. Maraming paraan kung paano ito makakamit. Isa na rito ang pagbabawas sa mga ginagamit na disposable, lalong-lalo na yung yari sa plastic. Kung hindi naman kailangan, huwag nang gamitin. Iwasan na rin ang paggamit ng mga bagay na hindi reusable at matatambak lang sa basurahan pagkatapos gamitin. Ayon sa ulat ng Philippine Daily Inquirer, bawat residente ng Metro Manila ay lumulikha ng humigit-kumulang 0.7 kg ng basura araw-araw, 130% na mas mataas kaysa sa global average na 0.3 kg. Patunay ito na dapat maging masinop na tayo sa ating mga kinukunsumo.
HINDI tayo kailangan ng kalikasan. TAYO ang may kailangan sa kalikasan. Kung ito’y hindi natin pangangalagaan, maaaring pagdating ng bagong henerasyon, ito’y magiging isang larawan na lamang na ginuhit ng nakaraan. Isang larawan na hindi na nila kailanman masisilayan. Huwag tayong maging makasarili dahil tulad nga ng sinabi ni Santo Papa Benedicto, “Ang planetang hindi mo isinalba ay ang mundong hindi mo na matitirhan.” Ating pakatatandaan na ito’y nag-iisa lamang at kabahagi tayo sa pangangalaga nito.
Comments