Isa lamang sa daan-daang pangaral ni Gat Jose Rizal ang kawikaan na: “Ang kabataan ang pag-asa ng Bayan.” Isinisigaw ng linyang ito na tayong mga kabataan ang inaasahang magtaguyod ng kinabukasan ng ating bansa. Tayo ang magpapaahon nito mula sa kalugmukan at papalitan natin ang kahirapan ng kasaganaan. Taas noo nating iwawagayway ang bandila at ipaglalaban ang ating kalayaan laban sa anumang pang-aalipin ng mga dayuhan. Ilan lamang ito sa mga katangiang dapat taglayin ng mga kabataang magdadala ng kaunlaran sa ating bansa, ang tunay na pag-asa ng bayan.
Masyado na yatang mabilis ang paglipas ng panahon dahil kung titingnan natin ang kalagayan ng mga kabataan sa lipunan ngayon, tila kasabay ng paglipas ng oras ang pagkupas ng paniniwalang ito. Kaliwa’t kanan ang mga krimen. Droga, kahalayan, alak at iba pa—mga bagay na hindi pa dapat nararanasan ng mga kabataang tulad ko ngunit sa ngayon ay hindi na maiiwasang mapag-usapan sapagkat laman ito ng mga kumakalat na balita sa radyo’t telebisyon. Ito’y mga bagay na nagmula pa pala noong Dekada ’70 na mas kilala bilang panahon ng Martial Law. Sikapin mang takpan ang kasaysayan ay lilitaw at lilitaw pa rin dahil hindi na mawawaglit ang mga bagay na sa ngayon ay patuloy pa ring nararanasan.
Hindi rin maitatanggi ang pagkakaiba-iba ng mga kabataan ngayon. Mayroong nagrerebelde sa magulang, mapusok kaya nakabuntis ng maaga, ipinaglalaban ang kaniyang mga karapatan, seryoso sa pag-aaral at mayroong bukod sa walang magawa ay walang pakialam sa kaniyang kinabukasan. Marahil ay ito ang dahilan kung bakit marami ang hindi nagkakasundo at nagkakaintindihan ngunit tulad ng pamilyang Bartolome sa nobelang Dekada ’70, ang mga pagkakaiba na ito ay maaaring isantabi. Ika nga ni Ramon T. Ayco Sr. sa kaniyang awitin, "sa pagkakalayo ay may paglalapit din."
Sa mga nabanggit na punto, maari pa rin bang patingkarin ang kumukupas na paniniwala? Upang magampanan ang pagiging pag-asa ng bayan, ilan sa mga kailangan nating taglayin ay katapatan, kasipagan, pagmamahal sa bayan at disiplina. Kailangan nating maging matapat sa iba at pati na rin sa ating sarili. Ang kasipagan ay dapat ring ipamalas sa lahat ng bagay lalo na sa mga bagay na makabubuti at makatutulong sa pag-unlad ng ating sarili at ng ibang tao. Huwag natin hayaang ilayo tayo ng ating mga gadyet mula sa pagiging produktibo. Maliban dito, ang pagmamahal sa bayan ay hindi dapat kalimutan sa ating bawat kilos. Ang simpleng pagbili ng mga produktong yaring-Pinoy ay nagpapakita na ng katangiang ito. Kung disiplina naman ang pag-uusapan, lahat ng nabanggit ay may kaakibat na pagdidisiplina sa sarili.
Tayo ang may hawak ng panulat sa libro ng ating kinabukasan. Panahon na upang tayo ay sumulong! Nasa ating mga kamay ang kaunlaran ng ating bayan.
Comments