top of page
Writer's pictureJasmine Bartolome

Tulay tungo sa Pagkakakilanlan, Nagbubuklod sa Sangkatauhan

Ang mundong ating ginagalawan ay binubuo ng pitong kontinente —Asya, Aprika, Australia, Timog at Hilagang Amerika, Europa at Antartika. Katatagpuan ito ng halos dalawang daang bansa; bawat isa ay may pagkakakilanlan na masasalamin sa kanilang sariling panitikan, ang tunay nilang kayamanan. Isang pagkalawak-lawak na mundo ang ating tinitirhan, paano nga ba tayo nagkakaugnay?



Ang unang nakatuklas ng sistema ng pagsulat ay ang Sinaunang Mediterranean. Nakapagbigay ito ng malaking kontribusyon sa paghubog sa kasaysayan ng mundo. Kaalinsabay ng pagkakadiskubre nito ay ang pag-usbong ng napakaraming pamamaraan, mula sa simbolong larawan tulad ng hieroglyphics na nagmula sa Ehipto tungo sa iba’t ibang dyanra o estilo ng pagsulat. Dahil dito, hindi makakaila na ang panitikan na nagmula sa Sinaunang Mediterranean ay naging dahilan ng pag-unlad ng iba’t ibang uri ng panitikan sa buong mundo kagaya ng mitolohiya ng sinaunang Rome na naipamana pa sa panitikan ng ilang bansa sa Kanluran at Timog Amerika kung saan ay pinayabong at kalaunang nagbagong-anyo dahil sa paglaganap ng Kristiyanismo.


Makikita sa akdang Pampanitikan ng mga bansang Kanluranin ang pagiging matatag at pagkakatugma ng kanilang mga tema at paksa. Tunay na nakabuo sila ng kanilang sariling pagkakakilanlan mula sa impluwensiya ng kabihasnang Griyego at Romano ng Europa. Ito’y maihahalintulad din sa pagkatao at personalidad nating mga tao. Sa pamamagitan ng pag-aaral ng iba’t ibang uri ng Panitikan, mula man sa sarili nating bansa o ibang panig ng mundo, nabibigyan tayo ng kaalaman tungkol sa mga kultura at tradisyon ng bawat bansa na sinasalamin nito at hinuhubog din nito ang ating kakayahan sa paglikha ng sariling paniniwala, opinyon at pananaw.


Ang kakayahan sa pakikipag-ugnayan ay napayayabong din nito dahil ang pagkakaroon ng kaalaman sa mga paniniwala ng ibang pangkat na hatid ng pag-aaral ng kanilang panitikan ay nakapagpapabukas ng ating mga isipan sa pagkakaiba-iba at pagkakapareho nating mga tao. Ito’y nagbibigay-daan sa atin na maipakita ang paggalang at respeto natin sa kanilang kultura.


Samakatuwid, ang panitikan ay isang napakahabang tulay na tumutulong sa tao na makilala ang sarili at makipag-ugnayan sa iba. Nararanasan ng isang tao na makita ang buong mundo, makilala ang mga tao at mamulat sa nakaraan at kasaysayan gamit ang makapangyarihang panitikan.

36 views0 comments

Recent Posts

See All

Comentários


bottom of page